Sa usapin ng pagmimina, ang mahalagang dapat nating tiyakin ay ang pagprotekta sa kalikasan, partikular na ang mga watershed, at ang pagpapaunlad sa tao at sa kanilang mga komunidad.
Ngayong may mga ipinatitigil ang DENR na mining operations sa aming lalawigan, ang Dinagat Islands, kailangan ding aktibong singilin ang Kagawaran upang maihain at maipatupad ang mga ipinapanukala nilang alternatibong kabuhayan para hindi mawalan ng pagkakataon ang mga Dinagatnon na paunlarin ang kanilang mga pamilya't pamayanan.
Kasabay nito, para sa mga kumpanyang nagmimina na nakapasa sa audit ng DENR, kailangang tiyakin na hindi lamang sila susunod sa environmental standards, kundi hihigitan pa nila ang kanilang performance. Patuloy rin dapat nilang tulungan ang mga mamamayan habang kumikilos sa paraang hindi makakasira ng aming kalikasan.
Mahalaga ring balikan ang batas upang mas mapaigting pa ang mga pamantayang kailangang sundin ng mining firms upang siguraduhing sila ay gumagalaw na may pagpapahalaga sa tao at sa kapaligiran. Sama-sama nating itulak ang pagpapasa sa panukalang
Philippine Mineral Resources Act sa Kongreso.
Patuloy tayong magiging katuwang ng pamahalaan upang mapagkaisa ang lahat sa layuning i-angat ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.
—Congresswoman Kaka Bag-ao (Lone District, Dinagat Islands)